September 23, 2017

Pastoral Letter in Filipino language

Diocese of Malolos, Malolos City

ANG MGA PAROKYA BILANG BUKAL NG AWA AT PAGPAPANIBAGO

(PARISHES AS WELLSPRINGS OF MERCY AND RENEWAL)

Mga Pangaral na Pampastoral ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagbubukas ng taon 2017 bilang Taon ng Mga Parokya  bilang Pamayanan ng mga Pamayanan

Pastoral Exhortation of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines to open the Year 2017 as the Year of Parishes, Communion of Communities

Minamahal na Bayan ng Diyos:

Sinasalubong natin ang taong 2017 sa ating  mga taunang-nobena sa paghahanda sa mapagpasalamat na pagdiriwang sa 2021 sa ika-limandaang  taong anibersaryo ng unang pagdating at unang pagtanggap ng ating sambayanan sa Ebanghelyo ni Hesukristo at ng kanyang Banal na Simbahan.

Ang darating na pagdiriwang sa 2021, sa paggunita sa unang Misa at unang Pagbibinyag sa ating bayan, ay marapat na maging isang bago at nag-uumapaw na saya sa ating buhay – pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa buong bansa. Tunay ngang magiging ganoon ang ating tugon sa isang kusang-loob at pinakamabuting handog mula sa makalangit na Ama na gumawa ng magaganda at nakamamanghang pangyayari sa mga Pilipino sa taong 1521. Para sa ating mga Kristyano, higit sa lahat ito’y isang hindi malilimutan at tutoong makabuluhang “bagong simula” sa ating kasaysayan.

Sa pagsisimula natin sa nobenang ito, itinataas natin ang bandila ng pag-asa at pagpapanibago para sa Simbahan sa ating bayan na may diwa- ng-kaloobang “Isabuhay si Kristo, Ibahagi si Kristo!”Ito ang masidhi nating paninindigan sa ating pagbubukas sa taong 2017, at ito ang panawagan nating lahat, mga minamahal na kapatid na, “Isabuhay si Kristo, Ibahagi si Kristo!”

Ang panawagang ito ay marapat na maging diwa ng kalooban sa kasalukuyang “Bagong Ebanghelisasyon” sa Pilipinas, na ipinahayag ng Ikalawang Konsilyo  Plenaryo ng Pilipinas noong 1991. Sa Bagong Ebanghelisasyon taglay natin ang lahat ng pag-asa at pangarap ng ating bayan para sa tunay na pinagpanibagong Kristyanong lipunan, buhay at kultura, ayon sa mga Pahayag na dulot ng galak  ng Ebanghelyo, na puno ng pagpapahalagang Kristyano ng pag-ibig at kapayapaan, ng tuwa at magiliw na pagbibigay, ng pagtitis at katarungan.” Gayundin naman pinaninindigan natin na ang Simbahan sa ating bansa ay magiging tunay na Simbahan ng maralita.” (mula sa Mensahe ng Ikalawang  Konsilyo Plenaryo)

“Isabuhay si Kristo, Ibahagi si Kristo!” Sa ating pagbubukas ng taong 2017, idalangin natin na pagkalooban tayo ng Diyos ng masaganang biyaya upang maging taon ng katuparan ng ating minimithi at ng pag-asang iyan. Ang 2017  ay isinaprograma upang ituon ang ating pansin sa kalagayan ng Parokya, “ang pamayanan ng mga pamayanan”. Ang parokya bilang sentro at balong ng pigiging misyonerong alagad  at bukal ng sigasig  para sa bagong Ebanghelisasyon, “ito’y isang tunay na sentro ng palagiang pag-abot na pagmimisyon (sa bawat tao lalo na sa mga nakaligtaan sa lipunan).” Sa “Evangelii Gaudium” iginiit ni Papa Francisco  na ang Parokya ay hindi institusyong lipas na sa panahon,  at ito’y maaaring magtaglay pa ng kakayahang umangkop, na nakasalalay sa pagiging bukas at pagkamalikhaing pagmimisyon ng mga pari, at ng pamayanan. (EG,28)

ISABUHAY, IBAHAGI ANG PAKIKIPAG-ISA

Ang Simbahan ay misteryo ng “Communio” (pakikipag-isa). Ang ating pakikipag-isa bilang sambayanan ay dumadaloy mula sa Santatlo patungo sa sangkatauhan at ibinabahagi nito ang isang panglahat na pananampalataya na sama-samang naglalakbay para sa kaganapan ng paghahayag ng Kaharian ng Diyos. Ang pakikipag-isang ito na naidulot para sa atin dahil sa paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesukristo, ay palaging may dalawang bahagi:(ang patindig) na pakikipag-isa sa Diyos, at (ang pahalang) na pakikipag-isa sa ating mga kapatid, Ang buhay ng pakikipag-isa ng ating Simbahan ay palaging bukas sa ekumeniko at gawaing misyonero sapagkat ang pakikipag-isa ay palaging nasa (estado) ng misyon.

Ang Simbahan sa Pilipinas ay bahagi ng kaisahan ng mga Simbahan na siyang pandaigdigang simbahan . Tayo ay bahagi ng isang Simbahan ni Kristo. Sa bawat partikular na Simbahan "ang kaisahan, pagkabanal, pagka-katoliko at apostolikong Simbahan ni Kristo ay tunay na naroroon at aktibo" (Christus Dominus, 11). Sa kadahilanang ito, ang pandaigdigang  Simbahan ay hindi maaaring ituring bilang kabuuan ng mga partikular na   Simbahan, o bilang isang pederasyon ng mga natatanging Simbahan. Sinumang kabilang sa isang natatanging  Simbahan ay kabilang  sa lahat ng Simbahan; sapagkat ang pag-anib  sa pakikipag-isa,  tulad ng pag-anib   sa Simbahan, ay hindi kailanman natatangi  lamang (sa maliit o parte ng simbahan na kanyang kinaaaniban) ngunit sa pamamagitan ng kanyang tunay na kalikasan, itong pag-anib ay palagiang pandaigdigan. (cfr. Lumen Gentium 13).

Sa pagdiriwang sa taong 2017 bilang taon ng Parokya bilang Pamayanan ng mga Pamayanan, tayo ay hinahamon na higit na mabatid, hindi lamang ang balangkas ng pamamahala ng ating mga diyosesis at mga parokya, kundi pati ang uri  ng buhay-pananampalataya sa parokya, sa samahan, pagsapi at pakikiisa na nararanasan  ng mga kasapi. Sa madaling sabi, ang bibigyan ng pansin natin ay ang pagbubuo ng parokya na tunay na pamayanang nananampalataya, na nakapaloob sa pamumuhay ng mga tao. (CBCP Pastoral Letter Live Christ Share Christ, 2012)

Sa Pilipinas, ang ating pananaw sa Simbahan bilang sambayanan ngayon ay napahihiwatig ng  isang pagkilos na pangsimbahan na siyang pagkilos upang  pagyamanin ang mga Munting Sambayanang Kristiyano "(PCP II, 137).
Karaniwang umuusbong sa laylayan ng lipunan, ang Munting Sambayanang Kristiyano ay nagsusumikap upang pag-ugnayin ang kanilang pananampalataya at ang kanilang pang araw-araw na buhay. Sila  ay ginagabayan at hinihikayat sa pamamagitan ng regular na katekesis. Ang karukhaan at ang kanilang pananampalataya ang humihimok sa  kanilang mga kasapi  tungo sa pakikiisa sa bawat isa, pagkilos para sa katarungan, at patungo sa isang buhay na buhay na  pagdiriwang ng buhay sa liturhiya. (PCP II, 139).
Paano tayo gaganap sa pagpapanibago ng  ating pampamayanang parokya  upang maaari silang tumugon nang mas mahusay sa hamon ng pagpapanumbalik ng lahat ng bagay kay Kristo?

IPAGDIWANG ANG PAGIGING SAMBAYANAN, MAKINIG SA MAHAL NA INANG SI MARIA

Ang taong 2017 ay sentenaryo din ng pagpapakita ng ating Inang Maria sa tatlong bata sa Fatima. Sa Fatima, hiniling ng ating Ina sa mga bata na bumalik kay Hesus sa pamamagitan ng tatlong paraan:   pananalangin, araw-araw na pagkomunyon at pagbabayad-sala. Ang mensahe ng Fatima ay umaalingawngaw pa rin nang  malinaw at malakas para sa atin. Kung inaasam natin ang pagpapanibago ng Simbahan, tayo'y manumbalik sa pananalangin, tanggapin natin ang kanyang Anak sa Banal na Komunyon at maghandog tayo ng pagbabayad-puri para sa ating mga kasalanan.

Sa ating pagsisikap na maabot ang ating pangarap na ang bawat parokyang pamayanan ay maging pamilya ng mga pamilya, at pagkakaisa ng mga pamayanan, gamitin natin ang mensahe ng Mahal na Ina ng Fatima upang tulungan tayong maabot ang ating hantungang layunin.

Sa mga buwan ng Mayo hanggang Oktubre taong 2017, ang mga Katoliko sa buong mundo, sa pangunguna ni Papa Francisco, ay aalalahanin at ipagdiriwang  ang sentenaryo ng anim na aparisyon o pagpapakita ng ating Mahal na Ina sa “tatlong bata sa Fatima”- Lucia dos Santos at ang kanyang mga pinsang sina  Francisco Marto at ang kapatid nitong si Jacinta. Habang tayo sa Pilipinas ay ipinagdiriwang ang ating mga parokya bilang pamayanan ng mga pamayanan, tutugon tayo nang may panalangin at debosyon, may mas malalim na pagninilay  at muling pag-aalay ng mga sarili sa “Mensahe ng Fatima” ng ating Mahal na Ina. Ang lahat ng mga gawaing ito ay makakatulong upang matutunan o muling matutunan natin , kung “para saan ang diwa ng Fatima” kung gaano kahalaga at akma ang Fatima sa ating panahon at paano natin magagawa, at ano ang dapat isagawa, kung ano ang hinihiling sa atin ng Fatima sa ngayon, upang mapagpanibago at mapasigla ang mga parokya sa Pilipinas.

ANG KAHALAGAHAN NG PAROKYA SA PANAWAGAN NG FATIMA

“Ang kasalukuyang pagsisikap sa pagpapanibago ng Simbahan ay dapat nakasentro sa parokya. Kung walang pagpapanibago ng parokya, ang pamilya at Munting Sambayanang Kristiyano ay hindi makakahanap ng matatag na sandigang kapaligiran at ito’y patuloy na makakadama ng pag-iisa o walang karamay.” (PCP II, #604). Gayundin, ito ay isang nakakapanghinayang na pagkakataon kung ang taon ng parokya bilang pamayanan ng mga pamayanan ay ipagwawalang –bahala ang panawagan ng Fatima na para sa pananalangin, kusang pagpapakasakit at pagkakaisa.

Pinagsumikapan ni Papa Benito XVI na ipaliwanag ang pangunahing kahulugan ng mga pangyayari sa Fatima at ang mensahe ng ating Ina ng Fatima. Naniniwala siya na ang mensahe ng Fatima ay nakatuon hindi lamang sa Rusya at Alemanya. Ito ay tumutukoy sa “kritikal na sandali sa kasaysayan… nang ang buong pwersa ng kasamaan ay halos nangingibabaw” hindi lamang sa loob at sa pamamagitan ng mga rehimen o panunungkulang di- kumikilala sa Diyos, subalit sa ibang paraan ito’y patuloy pa ring makabuluhan  sa ating panahon, sa pagdurusa ng Simbahan at panghihina ng pwersa ng kabutihan at sa gawa ng Diyos sa ating mundo.

Kung ang bansa ay nangangailangan ng paghilom, ang paghilom ay magmumula  sa ating mga parokya. Kung ang bansa ay kailangang puksain ang pwersa ng kasamaan, ito’y magmumula sa ating mga parokya. Kung ang bansa ay kailangan palakasin ang presensya ng Diyos sa lipunan, ang pagpapalakas ng mga parokya ang natatanging paraan.

Isinulat ni Papa Benito na “ang tugon sa pwersa ng kasamaan sa mundo sa ating panahon ay manggagaling lamang sa pagbabago ng puso sa pamamagitan ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig: sa pamamagitan ng kusang pagpapakasakit at pagbabalik-loob.” Sa puntong ito, ang mensahe ng Fatima ay hindi isang bagay ng nakaraan. Patuloy na nagdurusa ang Simbahan…maging hanggang ngayon ay mayroong pagtitiis.” “ Nariyan ang pwersa na sumusubok na yurakan ang pananampalataya.”

Kung ano ang ating hinihingi at pinananalangin ito ay ang “mapigilan ang pwersa ng kasamaan, na ang lakas ng kabutihan ay mapanumbalik ang kasiglahan. Masasabi nating  ang tagumpay   ng Diyos at tagumpay ni Maria ay tahimik, ngunit, gayunpaman ito’y tunay na namamayani.” Ani Papa Benito XVI.

Sinasabi sa atin ni Papa Benito, na ang balangkas at kahulugan ng mensahe ng Fatima ay ang pakikibaka ng gawa ng Diyos sa ating mundo ngayon at pakikibaka ng buhay ng simbahan at mga Kristyano, iyan ang pakikibaka sa ating panahon laban sa malakas na paglaganap, aktibong pwersa ng kasamaan at kasalanan sa mundo ngayon, sa ating pamayanan at lipunan, sa ating sariling tahanan, sa ating sariling buhay.

BAGONG BUKAL NG PANALANGIN AT AWA (ANG PAROKYA AT MGA BEC)

Kumilos tayo tungo sa mga panukala para sa mga programa ng pagkilos sa ating mga parokya at Maliliit na Sambayanang Simbahan”, isang programa na dumadaloy mula sa mensahe ng Fatima. Si Papa Paulo VI, sa pagbubuod sa mensahe ng Fatima, tinukoy ito bilang mensahe ng panalangin at kusang pagpapakasakit”. Ganoon din sa ating mga parokya! Ang pagkakaisa ng mga pamayanan ay nangangailangan ng pagpapanibago at masidhing programa ng matinding pananalangin at kusang pagpapakasakit.

Ang mga parokya at pamayanan ay magpapanibago lamang sa pamamagitan ng personal at pampamayanang panalangin. Ang ating unang misyon sa mundo ay maging tapat, matatag at may pananalig sa pananalangin na may mabuting halimbawa upang turuan ang lipunan kung paano manalangin. Ang unang tungkulin sa pakikiisa ay pananalangin. Ang pananalangin ng isang pastol para sa kanyang tupa ay laging musika sa pandinig ng Diyos. Ang pananalangin ay gawa ng pag-ibig. Ang panalangin ang angkla ng parokya. Ang pananalangin ang ating pundasyon bilang parokya.  Ang parokya at mga BEC ay magpapanibago bilang lugar kung saan yayabong ang awa sa pamamagitan ng pagsisisi sa kasalanan, madalas na pangungumpisal, at mga gawa ng awa.

Ang mga parokya at pamayanan ay magpapanibago sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Eukaristiya na tinatanggap natin araw-araw. Ang Eukaristiya ay ang karukhaan ni Jesus na gumagambala sa pagwawalang- bahala  ng mga mayayaman. Ito ang yaman na nagsasakripisyo ng tahanan, pamilya, at kayamanan upang maiahon ang mga dukha sa kahirapan. Ito ang Salita ng Diyos na nag-aanyaya sa dulot na galak ng mensahe ng Ebanghelyo sa nalilito, nalulumbay, nababagot at nagdurusa. Ito ang buhay ng Diyos na naging tao sa Kanyang pagkakatawang tao. Ito ang buhay ng tao na pinabanal  sa kanyang pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay. Ito ang habag ng Ama na ginawa sa buhay ng isang makasalanan, ito ang pagbabago ng makasalanan na sinusubok at sinasanay ang kanyang sarili na suunging maranasan ang awa at habag ng Tagapaglitas.

Ating mithiin ang pagpapanibago ng parokya mula sa Kalinis-linsang Puso ni Maria at sa pamamagitan ng mga paraang ibinigay niya sa atin sa Fatima- ang masidhing pananalangin at pagsisisi sa bawat parokya.

Mula sa bawat parokya at Maliliit na Sambayanang Simbahan, tayo’y manalangin, “O Hesus ko, patawarin mo ang aming mga sala, iligtas kami sa apoy ng impyerno, hanguin ang mga kaluluwa patungo sa langit lalo na ang mga nangangailangan ng iyong awa.”

Nawa ang ating Ina ng Fatima na siya ring tinatawag nating Ina ng Simbahan, ay ipanalangin na ang bawat parokya ay maging lugar ng paglago at bukal ng pagpapanibago at awa!

Mula sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, ika-27 ng Nobyembre 2016. Unang Linggo ng Adbiyento.

 

(SGD)+ SOCRATES B. VILLEGAS
Archbishop of Lingayen-Dagupan
President, CBCP

 

Isinalin sa Filipino nina
Rdo. P. Rogelio R. Cruz/Elizabeth Javier-Magturo
OPBEC- Diyosesis ng Malolos

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*